Nasorpresa ako sa mensahe mo. Sadya bang laan para sa akin ito?

Unang linya, kamusta ka na? At sa panghuli, pwede ba tayo magkita?  

Dibdib ko kaylakas ng kabog. Isa lang kaya itong bungang tulog?

Sulat mo binasa paulit-ulit. Hindi kaya ito mabura kapag mga mata’y ipinikit?

Maraming dahon ng panahon na ang nalagas. Mula noong nagpasya maghiwalay ng landas.

Mga alaala na pilit ibinaon sa limot. Bakit ba ngayon hindi mapigil sa pagsulpot?

Ang pag-ibig ay sadyang mahiwaga. Sa buhay hatid magkahalong tuwa at luha.

Kung paano ito nag uumpisa hindi sapat na alam. Ngunit lahat naman ay ayaw ng huling paalam.

Sabik na muling makipag ugnayan. Ito ba ay bagong pagkakataon sa pagmamahalan?

Kayraming bagay na rin ang nag-iba. Sa akin kaya ikaw ay may pagtangi pa?

Araw ng ating paghaharap ay sumapit. Nang masilayan ka para akong nasa langit.

Nabatid na ang matagal mo na pagkawala Ay dahil sa pakikipagsapalaran sa ibang bansa.

Agad akong humingi ng paumanhin. Mga sulat at tawag noon hindi ko pinansin.

Aking mga kamay ay hinawakan. At nagwika na ako ay naunawaan.

Kaytagal ng naging kwentuhan. Nagbalik tanaw sa matamis na nakaraan.

Paano naman kaya ang hinaharap? Maaari pa bang bumuo muli ng magandang pangarap?

Ang daming tanong sa aking isipan. Damdamin ay hindi ko maintindihan.

Ngunit sa ngayon ay nagpapasalamat na muna. Sa muling pagkikita at pagsasama.